-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila ng mga insidente ng pamamaril sa ilang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), nanatiling pangkalahatang mapayapa ang kauna-unahang parliamentary election sa rehiyon, ayon sa Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (COMELEC).

Ayon kay PNP spokesperson Allen Rae Co, maituturing na isolated cases ang mga naitalang insidente ng pamamaril. Tatlo naman ang naiulat na nasawi sa mga insidente sa buong rehiyon.

Samantala, kinondena ni COMELEC Chairman George Garcia ang pamamaril sa Cotabato City at nagpahayag ng pagkabahala sa mga insidenteng naganap habang isinasagawa ang halalan.

Bago at habang ginaganap ang botohan, ilang guro rin ang umatras sa kanilang tungkulin bilang election officers dahil sa mga pangamba sa seguridad.

Naitala rin ang palitan ng putok sa pagitan ng mga tauhan ng PNP Special Action Force at mga hindi pa nakikilalang armadong grupo sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur.

Sa kabila ng mga insidente, sinabi ng mga awtoridad na nagpatuloy ang security operations upang maprotektahan ang mga botante, election personnel at ang kabuuang proseso ng halalan.