Nag-anunsiyo si Ferdinand Marcos Jr. ng mas malaking rollback sa presyo ng petrolyo na ipatutupad sa susunod na linggo, kung saan inaasahang bababa ang diesel ng ₱24.94 kada litro, gasolina ng ₱3.41, at kerosene ng ₱2.00.
Ayon sa Pangulo, mas malaki ang bawas kumpara sa nakaraang linggo at layuning magbigay ng agarang ginhawa sa mga motorista at mamamayan. Binigyang-diin din niya na dapat maramdaman ng publiko ang buong benepisyo ng rollback at maiwasan ang anumang abala, gaya ng pila o kakulangan sa suplay.
Kasabay nito, nanawagan siya sa mga kumpanya ng langis na ipatupad ang price rollback nang buo at walang pagkaantala. Hinikayat din niya ang publiko na i-report sa kanyang tanggapan at sa Department of Energy ang anumang paglabag upang agad na maaksyunan.
Nauna nang nagpahiwatig ang Department of Energy na posibleng magkaroon ng panibagong rollback, na opisyal na iaanunsiyo sa Lunes at karaniwang ipinapatupad tuwing Martes.
Samantala, bilang karagdagang hakbang, inanunsiyo rin ng Pangulo na pinalawig ng tatlong buwan ng Land Transportation Office ang validity ng mga lisensya at rehistro na mag-e-expire ngayong Abril, nang walang multa. Ito ay bilang tugon sa epekto ng krisis sa Gitnang Silangan.













