-- ADVERTISEMENT --

Nasa kustodiya na ng Makati Regional Trial Court ang kahilingan ng United States government na i-extradite si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy upang harapin ang mga kasong kinakaharap nito sa Amerika.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), pormal na inihain ang extradition request noong Nobyembre 9 at na-raffle sa Makati RTC Branch 145.

Kabilang din sa kahilingan ang dalawang co-accused ni Quiboloy na sina Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag.

Nais ipursige ng US government laban sa kanila ang mga kasong international human trafficking, sex trafficking, conspiracy at bulk cash smuggling.

Nilinaw naman ng DOJ na hindi layunin ng extradition proceedings na tukuyin kung nagkasala o walang sala ang mga respondent, kundi alamin kung may sapat na legal na batayan upang ilipat sila sa kustodiya ng bansang humihiling ng kanilang extradition.

Sa kasalukuyan, nananatiling nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail habang nahaharap din sa magkakahiwalay na kasong qualified human trafficking at child abuse sa Pilipinas.