-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pananambang sa National Highway sa Datu Saudi Ampatuan ngayong Martes, Pebrero 17, 2026.

Ito ay matapos na nasawi ang pamangkin ni Shariff Aguak Mayor Datu Akmad Mitra Ampatuan habang ang kanyang nakababatang kapatid ay sugatan nang tambangan ang kanilang sasakyan.

Sa inilabas na mensahe ng Secretary to the Mayor, Anwar Emblawa, ang nasawi ay kinilalang si Datu Gara Ampatuan, pamangkin ng alkalde, habang ang sugatan naman ay si Datu Mama Ampatuan, nakababatang kapatid ng mayor.

Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, pauwi na mula Cotabato City ang mga biktima sakay ng itim na Nissan Livina nang pagbabarilin ng hindi kilalang suspek sa National Highway.

Sa kabila ng tama ng bala, nakontrol ng driver ang sasakyan at nagtungo sa Datu Unsay upang humingi ng tulong. Ngunit hindi na nakaligtas si Datu Gara, samantalang si Datu Mama ay dinala sa ospital at kasalukuyang ginagamot.

Nilinaw din nina Datu Unsay Police Chief Argie Eyana at Bangsamoro police spokesperson Steffi Salanguit na hindi sa Datu Unsay naganap ang pananambang kundi sa Datu Saudi, at nakarating lamang ang mga biktima sa Datu Unsay habang tumatakas.

Matatandaan na naunang pinagtangkaan ang buhay ni Mayor Datu Akmad Mitra Ampatuan noong Enero 25, 2026 sa Barangay Poblacion, ang mother barangay ng Shariff Aguak ngunit nakaligtas ang alkalde.

Sa nabanggit na insidente, tinarget ng RPG at high-powered firearms ang convoy nito ng hindi kilalang gunmen.

Sugatan ang dalawang security escort nito, habang tatlong pinaniniwalaang suspek ang natagpuang patay sa Datu Unsay.