-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan ang mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ng agarang paghinto ng labanan at pagbabalik ng kapayapaan sa Gitnang Silangan, kasunod ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, Iran, at Hezbollah.

Sa isang press briefing matapos ang 48th ASEAN Summit, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nananatiling mahirap makamit ang pangmatagalang solusyon hangga’t nagpapatuloy ang mga pambobomba at armadong sagupaan sa rehiyon. Binigyang-diin niya na ang tuloy-tuloy na karahasan ay lalo lamang nagpapalayo sa posibilidad ng diplomasya.

Kasabay nito, naglabas din ng magkakahiwalay na panawagan ang mga foreign minister ng ASEAN na igiit sa lahat ng panig ang agarang ceasefire, pag-iwas sa eskalasyon ng karahasan, at pagsunod sa mga mekanismong makakatulong sa de-escalation ng sigalot.

Isa rin sa binigyang pansin ng ASEAN ang kahalagahan ng pagpapanatiling bukas at ligtas ng Strait of Hormuz, isang kritikal na daluyan ng pandaigdigang suplay ng langis at kalakalan. Anila, anumang pagkaputol sa rutang ito ay may malaking epekto hindi lamang sa rehiyon kundi sa global economy.

Sa kanilang joint statement, nagpahayag ang bloc ng malalim na pag-aalala na ang patuloy na krisis ay maaaring magdulot ng mas malawak na epekto sa pandaigdigang kapayapaan, kalakalan, at seguridad sa enerhiya.

Nagbabala rin si Marcos na ang lumalalang tensyon ay maaaring makaapekto sa pandaigdigang logistics, kabilang ang shipping at aviation routes, na posibleng magresulta sa pagkaantala ng paggalaw ng mga kalakal at serbisyo sa iba’t ibang bansa.