-- ADVERTISEMENT --

Nagbigay ng babala ang Estados Unidos laban sa anumang planong magpataw ng toll o bayarin sa pagdaan sa Strait of Hormuz, na isa sa pinakamahalagang daluyan ng langis sa mundo.

Ayon kay Scott Bessent, agresibong tutugisin ng Estados Unidos ang sinumang indibidwal o grupo na direktang o hindi direktang makikibahagi sa pagpapatupad ng anumang uri ng toll sa naturang rutang pandagat, at maaari silang patawan ng parusa.

Binigyang-diin din ng opisyal na ang anumang “willing partners” sa naturang plano ay sasailalim din sa sanctions o kaukulang parusa mula sa Washington.

Samantala, sinabi ni Donald Trump na walang iisang bansa ang dapat magkaroon ng kontrol sa Strait of Hormuz, na itinuturing na critical waterway para sa pandaigdigang suplay ng langis.

Ayon sa kanya, ang naturang daanan ay bahagi ng international waters at dapat manatiling bukas para sa lahat ng barkong dumaraan, kabilang ang mga nagmumula sa Oman at iba pang bansa sa rehiyon.

Sa gitna ng tensyon, wala pang opisyal na pahayag ang Oman hinggil sa anumang konkretong plano para sa joint control ng strait kasama ang Iran, bagama’t iniulat na may mga pag-uusap ito kaugnay ng kalayaan sa paglalayag.

Nagpahayag naman ng pakikiisa ang Iran sa Oman matapos nitong punahin ang mga banta mula sa mga opisyal ng Estados Unidos.

Ang Strait of Hormuz ay nananatiling isa sa pinakaestratehikong chokepoint sa pandaigdigang kalakalan ng langis, kung saan malaking bahagi ng supply ng enerhiya sa mundo ang dumadaan araw-araw.