Nilinaw ni Senador Rodante Marcoleta na wala siyang planong tutulan o labanan ang mga awtoridad sakaling magkaroon ng warrant of arrest laban sa kanya sa hinaharap.
Ayon sa senador, kusang-loob niyang haharapin at susundin ang anumang legal na proseso kung maglalabas ng kautusan ang korte o mga kinauukulang ahensya para sa kanyang pag-aresto.
Sa kasalukuyan, ang mga reklamong isinampa laban kay Marcoleta ay nasa pagsusuri pa lamang ng Office of the Ombudsman at wala pang kasong naihahain sa korte.
Gayunman, sinabi ng mambabatas na handa siya sa anumang posibleng maging resulta ng imbestigasyon, kabilang na ang posibilidad ng paglalabas ng warrant of arrest.
Binigyang-diin din niya na nauunawaan niya ang mga umiiral na proseso at obligasyon ng mga law enforcement officers sa pagpapatupad ng mga warrant.
Nahaharap si Marcoleta sa mga reklamong plunder at indirect bribery kaugnay umano ng hindi pagdedeklara ng ₱75 milyong campaign donations na sinasabing natanggap niya mula kina Mike Defensor at dalawang negosyante para sa kanyang 2025 senatorial campaign.
Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon ang Ombudsman at hindi pa rin naisasampa ang naturang mga reklamo sa alinmang hukuman.













