-- ADVERTISEMENT --

Isinumite ni Ramil Madriaga ang isang waiver sa Bank Secrecy Law na magbubukas sa posibilidad ng pagsusuri sa kaniyang mga bank account, kasunod ng kaniyang mga pahayag sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte noong Abril 14.

Ayon kay Madriaga, siya umano ay nagsilbing “bank dummy” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at may mga account na nakapangalan sa kanya na nagpakita ng malaking halagang transaksyon kahit hindi tugma sa kaniyang deklaradong kita. Ikinatwiran niya na ang mga account na ito ay binuksan umano ng mga taong malapit sa dating Pangulo para sa mga sensitibong operasyon tulad ng intelligence-related activities at posibleng money laundering.

Kinumpirma ng House Justice Committee chair na si Rep. Gerville Luistro na tinanggap nila ang waiver, na magpapahintulot sa imbestigasyon at pagsusuri ng mga bank records na tinukoy sa testimonya.

Sa kaniyang salaysay, sinabi rin ni Madriaga na pinapirma siya sa ilang tseke na walang laman, at dumaan umano ang mga transaksyon sa iba’t ibang bangko sa mga lungsod tulad ng Makati, Pasig, at Lubao.

Bahagi ng mas malawak na pagdinig sa impeachment ang kaniyang mga pahayag, na mariing pinabulaanan ng kampo ni VP Sara, kasabay ng pagsasampa ng kasong perjury laban sa kaniya bilang tugon sa mga alegasyon.