Nagsampa ng reklamong perjury si Atty. Manases Carpio laban kay dating Senador Antonio Trillanes IV sa Pasig City Prosecutor’s Office matapos umano nitong magsumite ng maling sinumpaang salaysay sa House Committee on Justice kaugnay ng impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Sa affidavit na inihain ni Trillanes noong Abril 22, 2026, inakusahan niya sina Carpio at VP Duterte na may mahigit P111 milyong joint bank accounts noong 2016 at iniuugnay umano ito sa ilegal na droga. Mariing pinabulaanan ito ni Carpio at sinabing gawa-gawa lamang at bahagi ng “black propaganda” ang mga paratang.
Ayon kay Carpio, wala siyang bank account na umaabot sa P100 milyon at wala rin siyang kaugnayan sa ilegal na droga o sa umano’y drug personality na si “Sammy Uy.” Giit niya, nilabag umano ni Trillanes ang Article 183 ng Revised Penal Code dahil sa pagsasampa ng affidavit na may maling pahayag sa ilalim ng panunumpa.
Binigyang-diin din ng kampo ni Carpio na hearsay lamang umano ang basehan ng alegasyon at walang sapat na ebidensya. Tinukoy rin nila ang mga naunang findings ng Senado at Ombudsman na nagsabing walang matibay na basehan ang mga naunang akusasyon laban kay Carpio.













