-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na lumalakas ang Tropical Depression Luis habang papalapit sa Northern Luzon, kung saan inaasahan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang posibleng landfall nito sa hapon o gabi ng Lunes.

Batay sa alas-2:00 ng madaling araw na tropical cyclone bulletin, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 185 kilometro silangan-hilagang silangan ng Baler, Aurora, o 125 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora.

Kumikilos ang Luis pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras.

Dahil sa epekto ng bagyo, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang lugar sa Northern at Central Luzon, kabilang ang ilang bahagi ng Cagayan, Isabela, Quirino, silangan at timog ng Apayao, silangang Kalinga, silangang Mountain Province, silangang Ifugao, hilagang Aurora, Polillo Islands, at hilagang bahagi ng Camarines Norte.

Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang pagkilos ng Luis pahilagang-kanluran bago posibleng tumawid sa kalupaan ng Northern Luzon. Matapos ang landfall, inaasahan itong liliko pahilagang-silangan at unti-unting lalayo sa kalupaan ng bansa.

Posible ring humina ang sistema habang nasa lupa at maging isang remnant low pagsapit ng Miyerkules, bago tuluyang ma-absorb ng umiiral na sirkulasyon ng Typhoon Dolphin. Samantala, pinapayuhan ang mga residente sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1 na patuloy na subaybayan ang mga susunod na abiso ng PAGASA at sundin ang mga paalala ng lokal na pamahalaan.