Nakahanda umano ang legal defense team ni Sara Duterte sa anumang magiging resulta ng botohan ng Kamara kaugnay ng Articles of Impeachment laban sa bise presidente sa Lunes.
Ayon kay lawyer Michael Poa, tututukan lamang ng kampo ni Duterte ang magiging takbo ng plenary vote sa House of Representatives.
Sinabi rin ni Poa na handa ang depensa sakaling tuluyang maipadala sa Senado ang Articles of Impeachment para sa pormal na paglilitis.
Ayon sa abogado, binubuo ng 16 na abogado ang legal team ng bise presidente at kumpiyansa silang maihaharap ang matibay na depensa para kay Duterte sa oras na umusad ang impeachment proceedings.
Iginiit din ni Poa na wala silang nakikitang conflict sa posibleng pagko-convene ng Senado bilang impeachment court, dahil nakasalalay umano ito sa magiging pasya ng Senado.
Dagdag pa niya, handa rin si VP Sara na personal na humarap kung kinakailangan siya sa impeachment court sa mga susunod na pagdinig.













