Lalong tumitindi ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos higpitan umano ng Iran ang kontrol nito sa Strait of Hormuz habang pinag-aaralan nito ang panibagong peace proposal mula sa Estados Unidos.
Batay sa ulat ng maritime intelligence firm na Lloyd’s List, halos tumigil ang galaw ng mga barko sa naturang shipping corridor matapos magpatupad ang Iran ng mas mahigpit na clearance system para sa lahat ng vessel na daraan sa ruta.
Sinasabing bumuo rin ang Iran ng bagong ahensya na mangangasiwa sa pag-apruba ng pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz — isa sa pinakamahalagang daluyan ng pandaigdigang kalakalan ng langis at kargamento.
Dahil dito, tinatayang nasa 1,500 barko at mahigit 20,000 tripulante ang kasalukuyang stranded sa Persian Gulf, ayon sa International Maritime Organization.
Sa isang maritime forum sa Panama, sinabi ng secretary-general ng IMO na maraming tripulante ang inosenteng manggagawa lamang na naiipit ngayon sa gitna ng lumalalang sigalot sa pagitan ng Iran at Amerika.
Samantala, nagpahayag naman ng optimism si Donald Trump kaugnay sa peace negotiations, at sinabing “going unbelievably well” umano ang usapan upang matigil ang digmaan sa rehiyon.
Gayunman, nagbabala rin si Trump na posibleng maglunsad ang U.S. ng mas mataas na antas ng military strikes sakaling tanggihan ng Iran ang alok nitong kasunduan.
Sa kabila ng umiinit na sitwasyon, bahagyang bumaba ang presyo ng langis sa world market dahil sa pag-asang magtutuloy ang usapang pangkapayapaan. Bumagsak ang presyo ng parehong Brent crude at West Texas Intermediate sa ilalim ng $100 kada bariles matapos ang mga ulat ng posibleng diplomatic breakthrough.













