-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY  – Umabot sa mahigit 5,000 tricycle drivers ang nagtipon-tipon sa South Cotabato Sports Complex para sa isinagawang oryentasyon kaugnay ng nakatakdang pamamahagi ng fuel subsidy sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadala kay South Cotabato 2nd District Congressman at Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez , ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na maibsan ang hirap na dinaranas ng transport sector dulot ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Binigyang-diin ng mambabatas na layunin ng subsidiya na matiyak na walang drayber ang mapag-iiwanan, kabilang na ang mga hindi miyembro ng TODA na sumailalim sa re-validation.

Ayon pa kay Hernandez, nationwide ang isasagawang releasing ng fuel subsidy ay magaganap sa darating na Abril 8 at 9, 2026, pagkatapos ng Holy Week.

Mauuna umano ang mga lungsod at susunod naman ang mga munisipyo sa pagpapalabas ng tulong-pinansyal.

Samantala, sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Macky Balmatero, Presidente ng One Way TODA, sinabi nitong dumaan sa masusing proseso ang kanilang listahan kung saan kinakailangang lehitimo, may lisensya, at may prangkisa ang bawat miyembro.

Bagama’t nagpapasalamat, inamin ni Balmatero na “pantawid-gutom” lamang ang subsidiya at hindi pangmatagalang solusyon. “Sana ay bumalik na sa normal ang presyo ng gasolina dahil pasakit ito sa aming mga drayber na pasada lamang ang inaasahan,” aniya.

Ang ilan sa kanyang mga kasamahan ay nagbabalak na ring huminto sa pamamasada dahil halos wala nang naiuuwing kita para sa pamilya.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Councilor Edwin Abris, Committee Chair sa Sangguniang Panlungsod, na makakatanggap ang lahat ng mga drayber na nakasama sa listahan simula pa noong nakaraang mga linggo.

Ayon kay Abris, batid ng lokal na pamahalaan ang bigat ng epekto ng krisis sa langis kaya’t prayoridad nilang maibigay ang tulong sa lalong madaling panahon.