Nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa patuloy na epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan matapos ma-stranded ang libu-libong Pilipinong seafarers sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang daluyan ng kalakalan sa mundo.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro, humigit-kumulang 4,862 Pilipinong marinero ang kabilang sa tinatayang 20,000 seafarers mula sa iba’t ibang bansa na hindi makaalis o makapasok sa naturang ruta dahil sa lumalalang sigalot. Karamihan sa mga apektadong barko ay oil at gas tankers at cargo vessels na napipilitang huminto sa operasyon o maghintay sa ligtas na pagdaan.
Bunsod nito, bumagsak umano ang normal na trapiko sa Strait of Hormuz—mula sa humigit-kumulang 3,000 barkong dumadaan kada buwan ay naging 200 na lamang sa unang linggo ng Abril.
Tiniyak ng DFA na aktibo ang koordinasyon ng pamahalaan sa mga kaukulang bansa upang maprotektahan ang kaligtasan ng mga seafarers at makahanap ng ligtas na ruta para sa mga barkong may Pilipinong tripulante, kabilang ang mga Philippine-flagged vessels.
Nauna na ring nagsumite ng diplomatic requests ang Pilipinas sa Iran upang payagan ang ligtas na pagdaan ng ilang barko, ngunit wala pa ring pinal na kasunduan sa ngayon. Sa kabila nito, nagpapatuloy ang negosasyon ng pamahalaan para matiyak ang kaligtasan at paggalaw ng mga apektadong seafarers.








