-- ADVERTISEMENT --

Mahigit 500 impormasyong posibleng makatulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang natanggap na ng Philippine National Police (PNP), dahilan upang palawakin pa ng mga awtoridad ang kanilang paghahanap sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., kasalukuyang sinusuri ng kanilang hanay ang mga natanggap na tip, kabilang ang mga ulat mula sa Western at Eastern Mindanao, Visayas at Northern Luzon.

Hindi rin inaalis ng mga awtoridad ang posibilidad na nasa isang isla ang senador na hindi pa kabilang sa mga lugar na pamilyar kay Nartatez.

Gayunman, nilinaw ng PNP na dumaraan muna sa beripikasyon ang bawat impormasyong natatanggap upang matukoy kung alin ang may sapat na batayan para sa kanilang operasyon.

Naniniwala naman si Nartatez na unti-unti nang natutukoy ng mga awtoridad ang posibleng kinaroroonan ni Dela Rosa at iginiit na hindi ito maaaring magtago habambuhay.

Kaugnay nito, nananatiling nakalaan ang P50 milyong pabuya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa impormasyong magbibigay-daan sa pagkakaaresto ng senador.

Matatandaang nahaharap si Dela Rosa sa arrest warrant ng International Criminal Court kaugnay ng mga kasong may kaugnayan sa kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.