-- ADVERTISEMENT --

Hinikayat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang China na tiyaking napoprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mahigit 100 Pilipinong iniulat na inaresto dahil sa umano’y ilegal na pagtatrabaho o paninirahan sa bansa.

Kinumpirma ng DFA ang insidente matapos ianunsyo ng Chinese Foreign Ministry ang operasyon laban sa mahigit 100 Pilipino na pinaghihinalaang lumabag sa kanilang immigration laws.

Ayon sa DFA, kinikilala ng Pilipinas ang karapatan ng China na ipatupad ang sarili nitong batas sa immigration, ngunit dapat itong gawin alinsunod sa tamang proseso.

Hiniling din ng ahensya sa mga awtoridad ng China na tiyaking maayos ang kalagayan ng mga nakakulong na Pilipino at agad na ipagbigay-alam sa Philippine Foreign Service Posts ang kanilang pagkakadakip.

Iginiit ng DFA na naaayon ito sa Vienna Convention on Consular Relations at sa 2013 Philippines-China Consular Agreement, na nagbibigay ng mga karapatang consular sa mga mamamayang nasa ibang bansa.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang DFA sa Philippine Embassy sa Beijing at mga Philippine Consulate-General sa China upang matukoy ang eksaktong bilang ng mga inaresto at ang mga dahilan ng kanilang pagkakakulong. Sinusuri rin ng ahensya kung nasunod ang mga legal at consular procedure sa operasyon.

Samantala, mariing kinondena ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang pag-aresto sa mga Pilipino. Tinawag niya itong isang uri ng “blackmail” at iginiit na hindi dapat gamitin ang mga Pilipino bilang paraan upang makialam sa pagpapatupad ng batas ng Pilipinas.