Tiniyak ni Cabinet Secretary Benhur Abalos Jr. na mananatiling matatag ang paninindigan ng pamahalaan sa pagprotekta sa dangal at karapatan ng mga Pilipino kasunod ng kontrobersyal na AI-generated videos at editorial cartoons ng China Daily.
Ayon kay Abalos, nakikiisa ang pamahalaan sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa mariing pagkondena sa naturang mga publikasyon na umano’y naglalarawan sa mga Pilipino sa racist, mapanlait at dehumanizing na paraan.
Iginiit niya na walang puwang ang anumang uri ng racism at panghahamak sa sinumang mamamayan o bansa sa isang responsable at sibilisadong lipunan. Aniya, nagsisimula ang tunay na paggalang sa pagitan ng mga bansa sa pagkilala sa dignidad at pagkatao ng bawat isa.
Binigyang-diin din ni Abalos na nararapat lamang na tratuhin ang bawat Pilipino nang may respeto at dignidad, anuman ang kanilang pinagmulan.
Kasabay nito, tiniyak ng kalihim na patuloy na makikiisa ang pamahalaan sa DFA sa pagtutol sa mga publikasyong itinuturing na mapanlait, habang ipinaglalaban ang dangal, karapatan at pagkakakilanlan ng sambayanang Pilipino.













