-- ADVERTISEMENT --

Hindi natuloy sa itinakdang oras ang finals ng Mubadala DC Open sa Washington, D.C. matapos maantala ang laban nina Filipina tennis star Alex Eala at world No. 3 Jessica Pegula dahil sa masamang lagay ng panahon.

Dapat sanang magsimula ang kampeonato pagsapit ng alas-12 ng hatinggabi, oras sa Pilipinas, ngunit napigil ang laro dahil sa malakas na ulan at mga pagkidlat na nagdulot ng halos tatlong oras na delay.

Nang muling umarangkada ang laban, agad na nakuha ni Pegula ang unang set, 6-4, at nakalamang din sa ikalawang set, 2-1.

Gayunman, muling pinahinto ang laro bandang alas-kuwatro ng umaga matapos magpatuloy ang pag-ulan at muling ipatupad ang lightning delay.

Ayon sa tournament organizers, nakatakdang ipagpatuloy ang laban pagsapit ng alas-5:30 ng umaga, oras sa Pilipinas, kung papayagan ng kondisyon ng panahon.

Target ni Eala na makuha ang unang WTA 500 title sa kanyang karera matapos ang impresibong kampanya sa torneo, kabilang ang mga panalo laban sa mga de-kalibreng kalaban gaya ng dating world No. 1 na si Naomi Osaka.