Pormal nang nagsumite ng kanyang counter-affidavit sa Department of Justice si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan kaugnay ng reklamong plunder na isinampa laban sa kanya. Kinumpirma ni Bonoan sa isang panayam na naihain na niya ang kanyang sagot sa mga akusasyon.
Kabilang sa mga respondent sa kaso sina Jinggoy Estrada at mga dating opisyal ng DPWH na sina Maria Catalina Cabral, Roberto Bernardo, Gerard Opulencia, at Henry Alcantara.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, tumutukoy ang reklamo sa umano’y pagkuha ng ill-gotten wealth na aabot sa mahigit P50 milyon sa pamamagitan ng sunod-sunod na transaksyon.
Sa kabila ng nakataas na Immigration Lookout Bulletin Order, sinabi ni Bonoan na balak niyang bumalik sa Estados Unidos at nakapagpaalam na rin siya para rito. Matatandaang nagtungo siya sa US noong Nobyembre 2025 upang samahan ang kanyang asawa sa isang medical procedure at bumalik sa bansa noong Enero 18, 2026.
Mariin namang itinanggi ni Bonoan ang alegasyong tumanggap siya ng mahigit P2 bilyong kickbacks mula sa mga proyekto ng gobyerno.












