-- ADVERTISEMENT --

Nagpatupad ang Senate of the Philippines ng cite in contempt laban sa ilang tauhan ng National Bureau of Investigation matapos umano nilang tangkaing isilbi ang arrest warrant kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa loob mismo ng gusali ng Senado.

Ayon sa mosyon na inihain ni Senador Joel Villanueva, agad itong inaprubahan ng mayorya ng mga senador. Kasunod nito, inatasan ni Senate President Alan Peter Cayetano ang Office of the Sergeant-at-Arms na ilagay sa kustodiya ng Senado ang mga NBI personnel habang hinihintay ang kanilang paliwanag. Maaari rin umanong humingi ng tulong sa Philippine National Police sa Pasay City upang maipatupad ang kautusan.

Sa gitna ng kontrobersya, lumabas ang ulat na batay sa CCTV footage, makikitang mabilis na tumakbo si dela Rosa patungo sa plenary hall ng Senado upang umiwas umano sa mga ahenteng nakasibilyan na sumusunod sa kanya. Ayon sa ulat, may sugat at dugo sa kaliwang daliri ang senador nang dumalo siya sa sesyon.

Sa plenaryo, naging emosyonal si dela Rosa habang ikinukuwento ang insidente at ang umano’y pagtatangka na pigilan siyang makapasok sa sesyon ng Senado.

Samantala, muling iginiit ni dating Senador Antonio Trillanes IV na may hawak umanong kopya ng arrest warrant mula sa International Criminal Court ang NBI laban kay dela Rosa kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Napag-alaman din na ito ang unang pagdalo ni dela Rosa sa sesyon mula Nobyembre 11, 2025, at lumabas sa attendance records ng Senado na siya ay lumiban sa 31 plenary sessions bago ito.