Iginiit ni Jonvic Remulla na walang naganap na pag-atake sa Senado kasunod ng insidente ng putukan noong Mayo 13, at iginiit na malinaw sa ebidensya na walang tangkang paglusob sa gusali.
Sa briefing sa Malacañang nitong Mayo 19, sinabi ni Remulla na walang mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang pumasok sa Senado noong gabi ng insidente. Aniya, nasa katabing gusali lamang ng Government Service Insurance System o GSIS ang mga ito bilang bahagi ng security coordination.
Ayon kay Remulla, humingi umano ng tulong si Wick Veloso sa NBI upang tiyakin ang seguridad ng GSIS building matapos hikayatin ni Ronald dela Rosa ang kanyang mga tagasuporta na magsagawa ng prayer vigil sa Senado.
Dagdag pa ng kalihim, nais umano ng GSIS na maprotektahan ang mahahalagang koleksyon at mamahaling kagamitan sa loob ng gusali sakaling lumala ang sitwasyon sa paligid ng Senado.
Ayon kay Remulla, 29 na ahente ng NBI ang dumating sa GSIS premises upang magsagawa lamang ng inspeksyon sa outdoor canteen hallway patungong Kalayaan Garden. Wala umano silang tactical gear at malinaw na nakasuot ng uniporme ng NBI.
Bandang alas-7:02 ng gabi, umalis umano ang 27 ahente habang dalawang operatiba ang naiwan sa lugar.
Samantala, sinabi ni Remulla na bandang alas-7:44 ng gabi ay ipinag-utos umano ni Mao Aplasca sa mga tauhan ng Office of the Sergeant-at-Arms, kabilang ang mga pulis at Marines, na “lock and load” o ihanda ang kanilang mga armas.
Batay umano sa CCTV footage, makikitang nag-cock ng armas ang ilang Marines bago nagtungo sa hallway kung saan naroon ang mga ahente ng NBI. Mula alas-7:46 hanggang alas-7:49 ng gabi, nakita umano sa video ang usok at posibleng muzzle fire habang tumitindi ang tensyon sa pagitan ng Senate security personnel at NBI agents.
Sinabi rin ni Remulla na si Aplasca umano ang unang nagpaputok ng tatlong beses malapit sa puwesto ng mga ahente ng NBI, ngunit hindi direktang tinutukan ang mga ito.
Dahil inakala umano ng mga operatiba ng NBI na sila ay inaatake, nagpaputok sila ng “cover fire.” Gayunman, nilinaw ni Remulla na hindi umano nakatutok sa Senado ang putok ng mga ahente at agad din silang inutusang huwag gumanti.
Nauna nang nagpahayag ang Malacañang na walang naganap na pag-atake sa Senado, taliwas sa naging pahayag ni Alan Peter Cayetano tungkol sa insidente.













