Kinumpirma ni Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Martes na nakalabas na umano ng bansa ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, na itinuturong sangkot sa pagkawala ng ilang sabungero.
Ayon kay Remulla, dumaan umano si Ang sa “backdoor” upang makalabas ng Pilipinas. Noong Hulyo, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na bineberipika pa nila ang mga ulat tungkol sa umano’y pagtakas ng negosyante.
Nahaharap si Ang sa mga kasong kidnapping with homicide, gayundin sa kidnapping at serious illegal detention, kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero. Kabilang sa mga korte na humahawak sa mga kaso ang mga nasa Sta. Cruz, Laguna; Lipa, Batangas; at San Pablo, Laguna.
Ayon sa ulat, hindi na nakita si Ang mula Enero 2026. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkawala ng mga sabungero at ang mga kasong kinakaharap ng negosyante.












