Itinanggi ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang anumang pagkakasangkot ng pamilya Duterte sa nabigong tangkang pagpupuslit ng 521 kilo ng hinihinalang shabu mula Laos patungong Mindanao, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱3.5 bilyon.
Samantala, ipinatawag ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) ang 21 indibidwal upang makakuha ng impormasyon kaugnay ng kaso. Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, posibleng madagdagan pa ang mga ipatatawag habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nauna nang tinukoy ni Remulla si dating Bangsamoro Parliament member Edriezan Hadji Nasser Rimbang bilang isang politiko sa Mindanao na umano’y sangkot sa operasyon. Ayon sa kalihim, nagbayad umano si Rimbang kay Police Master Sergeant Aileen Jane Manalo Mendoza kapalit ng landing rights at paggamit ng pribadong hangar para sa eroplanong inaasahang magdadala ng droga mula Laos noong huling linggo ng Setyembre.
Ayon pa kay Remulla, si Captain Rioklyn Toledo, na kilala rin sa alyas na “Boyet,” ang umano’y nag-ayos sa paglipat ng pribadong eroplano mula Malaysia patungong Laos.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Rimbang kaugnay ng mga alegasyon. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa nabigong pagpupuslit ng droga.













