-- ADVERTISEMENT --

Nagpaalala ang Department of Education na kabilang sa pinakamabibigat na paglabag sa loob ng mga paaralan ang pagpapakalat ng bomb threats at pagdadala ng deadly weapons, alinsunod sa bagong ipinatutupad na Guidelines Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment.

Ayon kay Sonny Angara, walang puwang sa mga paaralan ang anumang kilos na naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng mga mag-aaral at guro. Binigyang-diin niyang pangunahing layunin ng kagawaran ang pagpapanatiling ligtas, maayos, at mapayapa ang kapaligiran sa pag-aaral.

Sa ilalim ng bagong polisiya, maaaring patawan ng pinakamabigat na disciplinary action ang mga estudyanteng mapatutunayang sangkot sa bomb threats, pagdadala ng baril, pampasabog, ilegal na droga, at iba pang third-level offenses. Kabilang sa mga posibleng parusa ang hindi pagpapayagang makapag-enroll sa susunod na school year o tuluyang pagtanggal sa paaralan.

Bukod dito, awtomatikong ire-refer ang mga sangkot sa mga law enforcement at social welfare agencies para sa kaukulang aksyon, bilang bahagi ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran sa kaligtasan sa mga paaralan.