-- ADVERTISEMENT --

Muling nanawagan si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa Korte Suprema na harangin ang kaniyang pag-aresto at pagsuko sa International Criminal Court (ICC), dahil umano sa banta sa kaniyang buhay dulot ng ₱50-milyong pabuya para sa kaniyang pagkakahuli.

Sa petisyong inihain sa mataas na hukuman, iginiit ni Dela Rosa na ang paglalagay sa kaniya sa kategorya ng isang armadong at mapanganib na pugante, kasabay ng pag-aalok ng malaking pabuya, ay maaaring magbunsod ng sitwasyong mauwi sa paggamit ng nakamamatay na puwersa laban sa kaniya.

Noong Mayo, tinanggihan ng Korte Suprema ang nauna niyang kahilingan para sa temporary restraining order (TRO). Gayunman, nakabinbin pa rin ang desisyon ng hukuman sa kaniyang petisyong kumukuwestiyon sa legalidad ng arrest warrant na inilabas ng ICC.

Iniuugnay ang senador sa mga alegasyon ng crimes against humanity kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Mariin namang itinanggi ni Dela Rosa ang mga paratang laban sa kaniya.

Samantala, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na may karapatan si Dela Rosa, gaya ng ibang mamamayan, na dumulog sa mga hukuman upang ipagtanggol ang kaniyang sarili. Gayunman, binigyang-diin niya na hindi umano nagkaroon ng gayong pagkakataon ang libo-libong nasawi sa kampanya kontra droga.