-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Kasalukuyang naka-hospital arrest ang isang empleyado ng Commission on Audit Region 12, matapos arestuhin ng National Bureau of Investigation Central Mindanao (NBI CEMRO) dahil sa kasong Qualified Human Trafficking at Anti-Photo/Video Voyeurism.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Atty. Moises B. Tamayo, Acting Regional Director ng NBI XII, ang suspek ay kinilalang si Alyas Mike, State Auditor I sa COA Region 12 at mayroong warrant of arrest mula sa RTC Branch 12-FC, Koronadal City, sa bisa ng reklamo na inihain ng isang biktima noong Hulyo 2018.

Batay sa imbestigasyon, ang biktima, isang menor de edad noon, ay inakusahan na pinilit na mag-pose ng nude photos kapalit ng $1,000 sa isang hotel sa Koronadal City noong Oktubre 2017.

Lumabas ang mga larawan sa Facebook nang walang pahintulot ng biktima, at nakolekta ng NBI ang digital evidence, hotel records, at affidavits mula sa witnesses na nagpapatunay sa presensya ng suspek sa lugar.

Ayon pa kay Tamayo, hihilingin nila sa korte ang pagturn-over ng kustodiya ni Jacalan sa BJMP Koronadal.

Kasalukuyang nahaharap ang suspek sa apat na kaso at wala pang inirekomendang piyansa.

Kasabay nito, nanawagan ang NBI sa publiko, lalo na sa mga posibleng biktima, na agad makipag-ugnayan sa kanila upang maiproseso ang kaso at mapanagot ang suspek.

Patuloy din ang NBI sa laban kontra human trafficking at sexual exploitation sa rehiyon, at pinapaalala sa lahat na walang sinuman ang ligtas sa batas.