-- ADVERTISEMENT --

Mariing pinabulaanan ng kampo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na itinuturing siyang “armed and dangerous” habang nagpapatuloy ang operasyon kaugnay ng iniulat na arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Sa pahayag ni Jimmy Bondoc, legal counsel ni Dela Rosa, iginiit nitong walang basehan ang naturang paglalarawan sa senador.

Ayon kay Bondoc, ang mga tauhan umano ng NBI ang tunay na “armed and dangerous” dahil sila ang armado habang nagsasagawa ng operasyon para ipatupad ang warrant na, aniya, ay hindi pa naipapakita sa kampo ng senador at hindi rin dumaan sa lokal na korte sa Pilipinas.

Nauna nang ipinaliwanag ni Melvin Matibag na bahagi lamang ng standard operating procedure ng ahensya ang pagturing na “armed and dangerous” sa lahat ng subject ng operasyon o mga taong pinagsisilbihan ng warrant.

Ayon kay Matibag, ginagawa ito bilang security precaution upang matiyak ang kaligtasan ng mga operatiba sakaling armado o manlaban ang target ng operasyon.

Patuloy namang kinukuwestiyon ng kampo ni Dela Rosa ang legalidad ng umano’y warrant mula sa ICC, partikular ang umano’y kawalan nito ng proseso sa ilalim ng lokal na hudikatura.

Si Dela Rosa ay kabilang sa mga personalidad na iniimbestigahan ng ICC kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.