-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang panawagan ng hustisya ng mga pamilya ng mga biktima matapos ang pagbagsak ng isang gusali sa Angeles City, Pampanga, dalawang araw matapos ang trahedya na ikinasawi at ikinawala ng maraming katao.

Ayon sa mga awtoridad, mula search and rescue ay inilipat na sa retrieval operations ang kanilang ginagawang paghahanap noong Martes, Mayo 26, dahil lumiliit na ang tsansang may makitang nakaligtas. Tinatayang aabot sa hindi bababa sa 16 katao ang pinaniniwalaang nasawi sa insidente, habang may ilan pang hindi pa natatagpuan.

Sa gitna ng operasyon, nananawagan ang mga kaanak ng pananagutan mula sa mga responsable sa konstruksyon ng 9-palapag na gusali, kabilang ang engineer at may-ari nito.

Ayon sa city information office ng Angeles, nakipag-ugnayan na ang site engineer sa mga awtoridad at nagbigay ng listahan ng mga trabahador na nasa lugar noong mangyari ang pagbagsak.

Gayunman, hanggang ngayon ay wala pang opisyal na paliwanag mula sa may-ari ng gusali at contractor, na ikinadidismaya ng mga pamilya ng biktima habang patuloy ang paghahanap at imbestigasyon.