-- ADVERTISEMENT --

Iniulat ng state weather bureau na nagbuhos ang bagyong Basyang ng napakalaking bulto ng ulan sa hilagang Mindanao na naging sanhi ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang komunidad sa rehiyon.

Batay sa datos ng ahensiya, limang lugar sa Northern Mindanao ang nakaranas ng heavy hanggang torrential rains. Sa loob lamang ng 24 oras, mabilis na umapaw ang mga ilog at drainage system dahil sa sobrang dami ng naipong ulan. Kabilang sa mga naitala ang 354.5 millimeters sa Hindang Automatic Rain Gauge (ARG), 361 millimeters sa Juan Tabla ARG, 383 millimeters sa Doroteo D. Lloren ARG, 253 millimeters sa Dulag ARG, at 280.5 millimeters sa Banggolo Bridge ARG.

Ayon pa sa weather bureau, ang dami ng ulang bumagsak sa hilagang Mindanao ay lumagpas pa sa tinatawag na “100-year return period,” na nangangahulugang bihirang mangyari ang ganitong antas ng pag-ulan at nagdudulot ng mataas na panganib ng pagbaha at iba pang sakuna.

Dahil dito, patuloy na pinapayuhan ang mga lokal na pamahalaan at residente sa mga apektadong lugar na maging alerto at sumunod sa mga abiso ng awtoridad upang maiwasan ang mas malaking pinsala at panganib sa buhay.