-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ni Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na isang pribilehiyo lamang ang protective custody na ibinigay kay Senador Ronald dela Rosa at maaari umano itong tanggihan anumang oras.

Sa panayam, sinabi ni Aplasca na walang kapangyarihan ang Senate security na pigilan ang senador kung nais nitong umalis sa Senado, tulad ng nangyari nitong madaling araw ng Huwebes.

Ipinaliwanag din ng dating police general na hindi nangangahulugang nakaaresto si Dela Rosa habang nasa ilalim ng protective custody ng Senado.

Ayon kay Aplasca, sinusunod lamang ng Office of the Sergeant-at-Arms ang direktiba ni Senate President Alan Peter Cayetano na makikipagtulungan lamang sila sa mga aarestong opisyal kung may dalang judicial order mula sa lokal na hukuman sa Pilipinas.

Batay sa CCTV footage at ulat ng Senate security, lumabas umano si Dela Rosa sa Senado kasama si Senador Robin Padilla.

Diretso umanong sumakay ang dalawang senador sa sasakyan ni Padilla bago tahimik na umalis sa Senate compound.

Gayunman, sinabi ni Aplasca na nagsasagawa pa rin sila ng imbestigasyon kung bakit hindi kinausap o napigilan ng mga security personnel ang dalawang senador bago tuluyang makaalis.