Inaprubahan ng Senado nitong Lunes ng hapon ang mosyon na ilagay si Senador Ronald dela Rosa sa protective custody habang hinaharap ang umano’y kaso laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC).
Ang mosyon ay inihain ni Sen. Rodante Marcoleta, kapwa senador ni dela Rosa, bilang hakbang upang maprotektahan siya habang ginagamit ang lahat ng legal na remedyo kaugnay ng kaso. Ayon kay Marcoleta, nararapat lamang na tiyakin ang kaligtasan ni dela Rosa habang ipinaglalaban nito ang kanyang karapatan.
Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon mula Nobyembre 2025 na muling dumalo si dela Rosa sa sesyon ng Senado. Matatandaang hindi siya nakadalo sa mga nakaraang sesyon matapos lumabas ang ulat na may warrant of arrest ang ICC laban sa kanya, kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago magsimula ang sesyon, sinabi ni dela Rosa na umano’y hinarang siya ng ilang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagpasok sa gusali ng Senado. Bilang tugon, inutusan ng Senado ang cite in contempt laban sa mga naturang tauhan at inilagay sila sa kustodiya ng kapulungan.
Dahil sa insidente, pansamantalang isinailalim sa lockdown ang Senado upang matukoy ang mga tauhang NBI na umano’y nangharass sa senador.
Tungkol sa probisyon ng Saligang Batas
Ayon sa Artikulo VI, Seksyon 11 ng 1987 Philippine Constitution, hindi maaaring arestuhin ang isang senador habang may sesyon ang Senado kung ang kasong kinasasangkutan ay may parusang hindi hihigit sa anim (6) na taong pagkakakulong.
Ngunit, ayon kay dating Sen. Antonio Trillanes IV, “Noong ako’y inaresto sa loob ng Senado, reclusion perpetua po ang kaso laban sa akin, kaya hindi ako naprotektahan ng probisyong iyon.” Idinagdag niya na kapareho rin sa kinahaharap ni dela Rosa ang kasong ito na crimes against humanity, na may parusang life imprisonment, kaya hindi siya maituturing na protektado ng nasabing probisyon.












