Nagpaalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang paggawa, pag-imprenta, pamamahagi, at paggamit ng anumang materyal na may larawan o kahawig ng legal tender na salaping papel ng Pilipinas nang walang pahintulot ng ahensya.
Sa ilalim ng BSP Circular No. 829, Series of 2014, maaaring makulong ng lima hanggang sampung taon ang sinumang lalabag sa naturang regulasyon.
Nilinaw rin ng BSP na maaari pa ring gamitin sa mga transaksyon ang mga perang papel at polymer banknotes na may tupi o gusot, basta’t hindi ito sira o nawawala ang mahahalagang security features.
Gayunman, pinapayuhan ang publiko na huwag plantsahin o ilantad sa sobrang init o lamig ang mga banknote upang maiwasang masira ang mga ito.
Pinaalalahanan din ng BSP ang publiko na ipinagbabawal ang pagsusulat, pagmamarka, labis na paglukot, paggupit, pagbubutas, pag-staple, pagdikit, o anumang paraan ng paninira sa salapi.
Sa ilalim ng Presidential Decree No. 247 o Anti-Mutilation Law, ang mga lalabag ay maaaring patawan ng multang hanggang P20,000 o pagkakakulong ng hanggang limang taon.













