-- ADVERTISEMENT --

Umabot sa mahigit 40.7 milyon ang bilang ng mga dumalaw sa mga sementeryo, memorial park at columbarium sa iba’t ibang panig ng bansa mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2 para sa paggunita ng Undas 2026, batay sa datos ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakapagtala ang pulisya ng kabuuang 40,740,246 na bisita sa 5,311 sementeryo at memorial park hanggang alas-6 ng umaga noong Nobyembre 2.

Sa nasabing bilang, 1,695,440 ang naitalang dumalaw noong Nobyembre 2 lamang.

Kasabay ng dagsa ng mga tao, mahigpit ding ipinatupad ng kapulisan ang mga hakbang pangseguridad sa mga sementeryo at iba pang matataong lugar upang mapanatili ang kaayusan at agarang matugunan ang anumang emergency.

Umabot naman sa 6,499 ang mga ipinagbabawal na kagamitan na nakumpiska ng mga awtoridad, kabilang ang mga patalim, alak, lighter, sigarilyo, vape at iba pang materyales na madaling magliyab.

Tiniyak ni Nartatez na nananatiling nakaalerto at handa ang kapulisan upang mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko sa buong panahon ng Undas.

Muling pinaalalahanan ng PNP ang mga pamilya na maging mapagmatyag, bantayan ang mga bata at tiyaking ligtas ang kanilang mga personal na gamit habang dumadalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.