Nakapagtala na ang Philippine Red Cross (PRC) ng mahigit 8,700 indibidwal na nabigyan ng medical assistance sa buong bansa sa ikalimang araw ng kanilang nationwide Undas Operation 2026 hanggang alas-9 ng umaga nitong Nobyembre 2.
Batay sa ulat ng PRC, nasa 8,721 indibidwal ang sumailalim sa vital signs monitoring, habang 359 ang natulungan sa minor medical cases gaya ng pagkahilo at mga sugat. Naitala rin ang 19 major cases at siyam na pasyenteng kinailangang dalhin sa ospital dahil sa malulubhang kondisyon, kabilang ang stroke at cardiac arrest.
Bukod sa serbisyong medikal, nakapagbigay rin ang organisasyon ng 297 welfare assistance, kabilang ang psychological first aid, pamamahagi ng pagkain at tubig, at wheelchair assistance.
Para matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga emergency, nagpakalat ang PRC ng 1,977 personnel na binubuo ng 132 staff members at 1,845 volunteers.
Nakaantabay rin ang 73 ambulansya, 404 first aid stations, 131 welfare desks at 45 foot patrol teams, kasama ang iba pang rescue assets.
Nakatutok ang mga rescue team sa 349 na sementeryo, 17 bus terminals, siyam na seaports at dalawang paliparan, gayundin sa iba pang matataong lugar sa bansa.
Magpapatuloy ang Undas Operation 2026 ng Philippine Red Cross hanggang Nobyembre 3 upang matiyak ang kaligtasan at agarang pagtulong sa mga mamamayang dumadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay at mga bumibiyahe ngayong Undas.












