-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang House Prosecution counsel na si Atty. Benjamin Tolosa sa posibleng epekto sa kredibilidad ng impeachment proceedings ng pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol sa umano’y “bending the law.”

Ayon kay Tolosa, maaaring magdulot ng pagdududa sa integridad ng proseso at sa Impeachment Court ang naturang pahayag, lalo na kung ipinahihiwatig nitong may mga probisyon ng batas na hindi nasusunod sa paglilitis.

Giit niya, wala namang malinaw na batayan para sabihing pinapayagan ng Senado o ng presiding officer ang anumang paglabag sa batas.

Binigyang-diin din ni Tolosa na maayos at patas na isinasagawa ng presiding officer ang impeachment trial, na aniya ay kinilala rin sa mga naunang pahayag ng kampo ng depensa.

Aniya, nasa kamay na ng presiding officer ang pagpapasya kung paano tutugunan ang pahayag ni Duterte at kung ito ay maituturing na pagkuwestiyon o pag-atake sa integridad ng impeachment proceedings.