Magkakaroon na ng mas malinaw at pinag-isang sistema sa pagsususpinde at pagbabalik ng face-to-face classes sa mga paaralan sa bansa matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 130.
Nilagdaan ang kautusan noong Oktubre 28, 2026, na naglalayong tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang school personnel habang pinananatili ang tuluy-tuloy na pag-aaral sa panahon ng mga kalamidad at emergency, kabilang ang inaasahang epekto ng El Niño.
Sa ilalim ng bagong polisiya, magkakaroon ng tatlong mekanismo para sa pagsususpinde ng klase: automatic, localized at granular suspension.
Sa automatic suspension, awtomatikong ihihinto ang face-to-face classes kapag naglabas ang mga kinauukulang ahensya tulad ng PAGASA, PHIVOLCS at DENR-EMB ng mga babala o advisory na pasok sa itinakdang technical thresholds.
Samantala, sa localized suspension, maaaring magdeklara ng suspensyon ang mga gobernador at alkalde sa kanilang nasasakupan batay sa aktuwal na sitwasyon at resulta ng lokal na pagsusuri sa panganib. Isasagawa ito sa koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa ilalim naman ng granular suspension, binibigyan ng kapangyarihan ang mismong paaralan o learning center na pansamantalang ihinto ang face-to-face classes kapag may aktuwal o napipintong panganib sa kaligtasan ng mga mag-aaral at personnel.
Nilinaw din sa kautusan na hindi nangangahulugang tuluyan nang hihinto ang pag-aaral kapag sinuspinde ang face-to-face classes. Inaatasan ang mga paaralan na magpatupad ng angkop na learning continuity measures upang maipagpatuloy ang edukasyon sa kabila ng emergency.
Pinapayagan din ng EO 130 ang maagang pagbabalik ng face-to-face classes sa mga paaralang napatunayang ligtas nang magbukas, sa pakikipag-ugnayan at pagsang-ayon ng kinauukulang local chief executive kung may umiiral pang localized suspension.
Samantala, inatasan ang Department of Education (DepEd) na bumuo ng implementing guidelines sa loob ng 30 araw mula sa paglagda sa kautusan, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
Kabilang sa mga dapat tukuyin sa guidelines ang mga technical thresholds, pamantayan, kinakailangang dokumento at proseso ng koordinasyon para sa pagsususpinde at pagpapatuloy ng klase.
Sa pamamagitan ng bagong kautusan, layunin ng pamahalaan na mapag-ugnay ang mga hakbang para sa kaligtasan ng komunidad ng paaralan at ang pagpapatuloy ng dekalidad na edukasyon sa panahon ng mga emergency.












