Nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa posibleng food poisoning at iba pang karamdaman na maaaring idulot ng hindi ligtas na paghahanda at pagkonsumo ng pagkain ngayong Undas.
Pinayuhan ng ahensya ang publiko na limitahan ang pagkain ng matataba, maalat at mamantikang pagkain na maaaring magpalala ng hypertension, cardiovascular diseases at chronic kidney disease (CKD).
Kaugnay nito, hinikayat ng DOH ang mga pamilyang magdadala ng pagkain sa mga sementeryo na tiyaking malinis at ligtas ang kanilang mga ihahanda.
Kabilang sa mga paalala ang paggamit ng sariwang sangkap, pagsama ng prutas at gulay sa pagkain, at pagtiyak na lutong-luto ang mga ihahain.
Mahalaga rin umanong gumamit ng malilinis na lalagyan upang maiwasan ang kontaminasyon habang iniimbak at dinadala ang pagkain patungo sa mga sementeryo.
Nagbabala rin ang ahensya laban sa pagkonsumo ng mga pagkaing matagal nang nakatiwangwang o nakabukas sa mga puntod dahil maaari na itong makontamina at magdulot ng food poisoning.
Binigyang-diin ng DOH na dapat unahin ang kaligtasan at kalusugan ng pamilya upang maiwasan ang pagkakasakit sa panahon ng Undas.













