-- ADVERTISEMENT --

Muling haharap si Pope Leo sa mga pilgrim sa Vatican sa pamamagitan ng general audience sa Miyerkules, ang una niyang pagdalo sa naturang pagtitipon matapos sumailalim sa operasyon sa baga dahil sa kanser, ayon sa Vatican.

Noong Oktubre 13, isinailalim sa operasyon ang 71-anyos na Santo Papa upang alisin ang ibabang bahagi ng kaniyang kanang baga. Ayon sa kaniyang mga doktor, naging matagumpay ang operasyon at wala itong naging komplikasyon.

Sa unang pampublikong pagharap niya matapos ang operasyon noong Linggo, sinabi ni Pope Leo na unti-unti niyang ibabalik ang kaniyang mga regular na gawain bilang pinuno ng Simbahang Katolika, na may tinatayang 1.4 bilyong miyembro sa buong mundo.

Karaniwang isinasagawa tuwing Miyerkules ang general audience ng Santo Papa kasama ang mga pilgrim. Kapag maganda ang panahon, ginaganap ito sa St. Peter’s Square, kung saan madalas niyang batiin at lapitan ang mga dumalo sakay ng popemobile.

Na-diagnose si Pope Leo na may lung adenocarcinoma, ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa baga. Gayunman, hindi pa inilalabas ng Vatican ang karagdagang detalye tungkol sa laki ng tumor o kung kumalat na ito sa mga kalapit na lymph node.

Nakatakda ring bumisita ang Santo Papa sa Uruguay, Argentina, at Peru mula Nobyembre 6 hanggang 17. Hindi pa tiyak kung matutuloy ang biyahe habang nagpapagaling siya. Ayon naman sa kaniyang pangunahing surgeon, posibleng ganap na siyang gumaling bago ang nakatakdang pagbisita.