-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si dating COA Commissioner Heidi Mendoza na huwag lamang limitahan ng Commission on Audit (COA) sa notices of disallowance ang pag-aksyon sa umano’y maanomalyang paggamit ng confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP).

Sa pagdinig ng Senate Impeachment Court, sinabi ni Mendoza na dapat ding suriin ng COA ang posibleng pagsasampa ng criminal cases laban sa mga government official na may sapat na basehan para managot.

Kabilang sa tinatalakay ang umano’y paggamit ng P612 milyon na confidential funds ng OVP, kabilang ang P125 milyon na sinabing nagastos sa loob lamang ng 11 araw.

Binigyang-diin ni Mendoza na hindi dapat magtapos sa impeachment proceedings o sa pagbawi ng pondong idineklarang disallowed ang usapin. Aniya, kung may sapat na ebidensya, maaaring iharap sa Office of the Ombudsman ang mga kasong kriminal laban sa mga non-impeachable officials kahit hindi pa pinal ang notice of disallowance.

Iminungkahi rin niyang baguhin ang kasalukuyang guidelines kung hindi sapat ang mga ito upang tugunan ang mga ganitong kaso.

Dagdag ni Mendoza, pananagutan sa paggamit ng confidential funds hindi lamang ng special disbursing officers kundi maging ng mga pinuno ng mga ahensya, na may tungkuling tiyaking napoprotektahan at nagagamit nang wasto ang pondo ng bayan.