Ipinahayag ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang kahandaan ng impeachment prosecution panel na isumite sa Office of the Ombudsman ang mga dokumentong nakalap sa Article I ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng kahilingan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na makakuha ng kopya ng mga naturang dokumento bilang bahagi ng planong pagsisiyasat.
Ayon kay Luistro, bukas ang buong panel na ipasa sa tanggapan ng Ombudsman ang mga nakalap na ebidensiya, testimonya, at iba pang kaugnay na rekord upang masuri at magamit sa nararapat na proseso ng imbestigasyon.
Dagdag pa niya, napag-usapan na ng panel bago pa man ang pahayag ni Remulla ang posibilidad na magamit ang mga dokumentong nakalap sa isang pormal na pagsisiyasat. Sa ngayon, inaayos na rin ang mga rekord na maaaring isumite sa naturang tanggapan.
Bukod sa mga dokumentong may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, maaari ring maisama ang mga rekord tungkol sa bribery allegations at sa artikulong tumatalakay sa mga banta, kung hihilingin ng Ombudsman.
Tiniyak ni Luistro na handa silang makipagtulungan sa pamamagitan ng pagsasapormal ng paglilipat ng mga dokumento para sa kaukulang pagsusuri at imbestigasyon.













