-- ADVERTISEMENT --

Pumanaw na sa edad na 44 ang South Korean actor at dating modelo na si Lee Yong Joo, na nakilala sa ilang Korean drama at comedy series.

Ayon sa mga ulat mula sa Korean entertainment at broadcasting industry, atake sa puso ang ikinasawi ng aktor noong Agosto 29. Ang balita tungkol sa kaniyang pagpanaw ay unang ibinahagi ng isang kaibigan sa social media.

Nagsimula si Lee Yong Joo bilang modelo bago pasukin ang pag-arte. Noong 2004, nagkaroon siya ng minor role sa pelikulang Doma Ahn Jung-geun, bago lumabas sa iba pang mga proyekto kabilang ang Hello, Francesca, Princess Hours, at Ugly Miss Young-ae.

Gayunman, isa sa mga pinakatumatak niyang role ay ang pagiging clumsy na bagong sundalo sa sitcom na “Blue Tower,” na naging malaking bahagi ng kaniyang pagkilala sa mga manonood.

Nakatakdang idaos ang kaniyang funeral procession sa umaga ng Agosto 31, bago ang cremation at pagdadala sa Seongnam City Funeral Cultural Complex.