Umabot na sa 8.4 milyon katao ang naapektuhan ng habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Katumbas ito ng humigit-kumulang 2.4 milyong pamilya mula sa iba’t ibang rehiyon, kabilang ang Zamboanga Peninsula, Central Luzon, Metro Manila, Ilocos, Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa, Cordillera at Bicol.
Nasa 122,500 katao naman ang kasalukuyang nananatili sa evacuation centers, habang 32 ang kumpirmadong nasawi, karamihan ay mula sa Benguet dahil sa mga landslide.
Samantala, tinatayang P6.16 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at agrikultura. Umabot na rin sa P1.7 bilyon ang tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya.
Nagdeklara na rin ng state of calamity ang Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales, Rizal, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro.













