Nagdulot ng malawakang pagbaha ang tuloy-tuloy na pag-ulan na dala ng habagat sa ilang bahagi ng Pangasinan, dahilan upang ideklara ang state of calamity sa ilang bayan sa lalawigan.
Kabilang sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity ang Infanta, Bugallon, Lingayen, Mangatarem, Bayambang, Sta. Barbara, Gupan City, at Mangaldan matapos maapektuhan ng matinding pagbaha ang mga komunidad.
Nananatili rin sa red warning o heavy rainfall warning ang Pangasinan, na nangangahulugang may posibilidad ng mas malawak at matinding pagbaha gayundin ng pagguho ng lupa sa mga lugar na flood-prone at landslide-prone.
Dahil sa sitwasyon, nagpapatuloy ang rescue at response operations ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO). Kabilang sa mga tinututukan ang mga residenteng nangangailangan ng agarang pagsagip, evacuation assistance, at iba pang tulong.
Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang kondisyon sa mga apektadong lugar habang pinaiigting ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga residente laban sa patuloy na banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.













