Muling hahawakan ni Dante Alinsunurin ang head coaching position ng Philippine men’s national volleyball team na Alas Men kasunod ng anunsyo ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) tungkol sa pagbabago sa pamunuan ng dalawang pambansang koponan.
Ayon kay PNVF executive director Atty. Miguel Carlos Pacifico Suarez, muling ipinagkatiwala kay Alinsunurin ang pangunguna sa Alas Men, pitong taon matapos niyang gabayan ang koponan sa pagkamit ng silver medal sa 30th Southeast Asian Games noong 2019.
Bilang bahagi ng bagong coaching assignment, lilipat naman sa Alas Women ang Italian coach na si Angiolino Frigoni upang pamunuan ang women’s national volleyball team.
Ayon sa PNVF, bahagi ang naturang pagbabago ng kanilang pangmatagalang plano na palakasin ang programa ng mga pambansang koponan at paghandaan ang pagho-host ng Pilipinas sa 2029 FIVB Volleyball World Championship.







