Mariing itinanggi ng Chinese Embassy ang alegasyong nakikialam ang Beijing sa mga panloob na usapin ng Pilipinas, kasunod ng pahayag ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na ang website ng embahada ay tila nagsisilbing “propaganda institution.”
Ayon kay Chinese Embassy Spokesperson Ji Lingpeng, walang intensiyon ang China na manghimasok sa domestic affairs ng Pilipinas at nananatili umano itong nakatuon sa prinsipyo ng non-interference sa internal affairs ng ibang bansa.
Iginiit din ng embahada na hindi dapat hayaang maapektuhan ng mga hindi pagkakaunawaan sa South China Sea ang kabuuang relasyon ng Pilipinas at China. Anila, mas nais ng Beijing na maresolba ang mga alitan sa pamamagitan ng dayalogo at konsultasyon.
Nauna rito, sinabi ni Teodoro sa budget deliberations ng Department of National Defense na hindi na niya itinuturing na ordinaryong diplomatic website ang pampublikong pahina ng Chinese Embassy, lalo na sa harap ng mga pahayag nito tungkol sa ilang isyung lokal sa Pilipinas.
Kabilang dito ang naging pahayag ng embahada kaugnay ng operasyon ng mga awtoridad sa isang steel facility sa Misamis Oriental, kung saan ilang Chinese nationals ang naaresto.
Sa kabila nito, sinabi ng Chinese Embassy na patuloy nitong ipagtatanggol ang interes at posisyon ng Beijing at sasagutin ang mga paratang na itinuturing nitong walang sapat na batayan.













