-- ADVERTISEMENT --

Hinamon ng Chinese Embassy ang mga mambabatas ng Pilipinas na ituloy ang panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan dahil sa kaniyang pahayag na madaling mananalo ang China sakaling lumala ang tensyon sa West Philippine Sea.

Sa social media, hinimok ng embahada ang mga mambabatas na huwag umanong manakot kung hindi naman nila seryosong itutuloy ang naturang hakbang.

Binatikos din ng embahada si Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela dahil umano sa pagbabanta kay Jing. Itinanggi naman ito ni Tarriela at iginiit na mali ang interpretasyon sa kaniyang pahayag dahil sa maling salin.

Nauna nang kinondena ng ilang mambabatas, Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DND) ang pahayag ni Jing, na itinuring nilang tila pagbabanta sa Pilipinas.

Patuloy ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa magkakasalungat nilang pag-aangkin sa West Philippine Sea.