Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer tungkol sa tamang pasahod sa mga manggagawang papasok sa dalawang holiday ngayong Agosto.
Agosto 21 ang Ninoy Aquino Day, na idineklarang special non-working day. Sa ilalim ng “no work, no pay” policy, walang matatanggap na holiday pay ang empleyadong hindi pumasok, maliban kung may mas paborableng company policy o collective bargaining agreement.
Para naman sa empleyadong papasok sa Agosto 21, may dagdag na 30 porsyento sa basic wage para sa unang walong oras ng trabaho. Kung lalampas sa walong oras, may karagdagang 30 porsyento sa hourly rate.
Kung ang Agosto 21 ay araw ng pahinga ng empleyado at siya ay pinapasok, 150 porsyento ng basic wage ang dapat matanggap para sa unang walong oras, habang may dagdag na 30 porsyento sa hourly rate para sa overtime.
Samantala, regular holiday ang Agosto 31 o National Heroes’ Day.
Ang empleyadong hindi papasok sa regular holiday ay dapat makatanggap ng 100 porsyento ng daily wage, basta pasok sa mga kondisyon para maging kwalipikado sa holiday pay.
Para naman sa mga papasok, 200 porsyento ng basic wage ang matatanggap para sa unang walong oras. May karagdagang 30 porsyento sa hourly rate kapag nag-overtime.
Pinaalalahanan ang employers na sundin ang umiiral na holiday pay rules upang matiyak na tama at kumpleto ang matatanggap ng kanilang mga manggagawa.













