Mahigit 20 barko ng China ang namonitor ng Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatang nakapalibot sa Pag-asa Island sa Palawan.
Kabilang sa mga namataan ang mga sasakyang-dagat ng Chinese Maritime Militia at Chinese Coast Guard. Ayon sa PCG, mas marami pa ang mga barkong nakita ngunit may ilan nang umalis sa lugar.
Samantala, iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasa 101 Chinese Coast Guard at PLA Navy vessels ang namonitor sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea.
Bukod sa Pag-asa Island, kabilang din sa mga lugar na madalas mamataan ang mga barkong Tsino ang Escoda Shoal at Bajo de Masinloc.
Sa isa pang insidente, hinarangan umano ng Chinese Coast Guard ang mga tauhan ng Pilipinas na tutugon sana sa isang Chinese fishing vessel na iniuugnay sa ilegal na dynamite fishing malapit sa Sandy Cay.
Kasabay nito, pinangunahan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang activation ng Coast Guard Auxiliary District sa Kalayaan Island District bilang dagdag na hakbang sa pagbabantay at pagpapanatili ng seguridad sa karagatan ng bansa.













