-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala ang House prosecution panel na paunang bahagi pa lamang ng kanilang ihaharap na ebidensya ang mga testimonya ng dalawang dating branch managers ng LandBank sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Iloilo Rep. Lorenz Defensor, nagsilbing “appetizer” lamang ang pagtestigo nina dating LandBank-Shaw branch manager Violeta Constantino at dating LandBank-DepEd branch manager Nenita Camposano, na kapwa nagsabing “unusual” ang paraan ng pag-encash ng malalaking halaga ng mga tseke na may kaugnayan sa confidential funds.

Sa pagdinig, kinumpirma ni Constantino ang pagproseso ng apat na tseke ng Office of the Vice President na nagkakahalaga ng kabuuang ₱500 milyon, habang sinabi naman ni Camposano na na-encash ang tatlong tseke ng Department of Education na umaabot sa ₱112.5 milyon. Ang kabuuang ₱612.5 milyon na confidential funds ay kabilang sa mga pondong sinusuri sa impeachment proceedings.

Samantala, iginiit ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na hindi lamang ang laki ng halagang inilabas ang mahalagang usapin. Aniya, ang pare-parehong iskedyul ng pag-encash, magkakatulad na halaga ng mga tseke, at maagang pakikipag-ugnayan sa bangko ay nagpapakita umano ng isang pattern na hindi karaniwan sa operasyon ng confidential o intelligence funds.

Ayon sa prosekusyon, ang mga unang testimonya ay magsisilbing pundasyon ng mga susunod pang ebidensya na kanilang ihaharap upang suportahan ang mga reklamong betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution laban sa Bise Presidente.