-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Senator Robinhood “Robin” Padilla na hindi niya hihimukin si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na sumuko sa International Criminal Court (ICC), sa kabila ng kinakaharap nitong arrest warrant.

Ayon kay Padilla, karapatan ni Dela Rosa na magpasya kung susuko ito o hindi. Binigyang-diin din niya na wala umanong lokal na korte sa Pilipinas na naglabas ng arrest warrant laban sa kapwa senador.

Sinabi pa ni Padilla na maging siya ay hindi susuko kung ICC ang mag-uutos nito dahil hindi niya kinikilala ang hurisdiksiyon ng naturang international tribunal.

Samantala, dumalo si Padilla sa Department of Justice (DOJ) noong Nobyembre 6, 2026, upang magsumite ng counter-affidavit kaugnay ng reklamong obstruction of justice na isinampa laban sa kanya at iba pang indibidwal.

Nag-ugat ang reklamo sa alegasyong tinulungan niya si Dela Rosa na makaiwas sa pag-aresto matapos itong makasakay sa kanyang sasakyan nang umalis sa Senado noong Mayo 2026. Itinanggi naman ni Padilla na tinulungan niyang tumakas ang kapwa senador.

Sa kabila nito, nagpahayag pa si Padilla ng umano’y inggit kay Dela Rosa dahil mga dayuhan pa ang naghahanap dito, at inihalintulad ang kanilang sitwasyon sa mga bayaning sina Macario Sakay at Andres Bonifacio.

Patuloy pang sumasailalim sa preliminary investigation ng DOJ ang reklamong obstruction of justice at wala pang pinal na desisyon sa kaso.